579 pamilya, apektado ng bagyong “Amang” sa Caraga
By Venus L. Garcia

Sa isinagawang preemptive evacuation, may limang daan at pitumpu’t siyam na pamilya o 2,859 na indibidwal ang nagsilikas sa probinsya ng Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur at pati na rin lungsod ng Butuan na pawang nasa designated evacuation centers sa kasalukuyan.
Base naman sa pinakahuling datus na nakalap galing sa Philippine Ports Authority ng Surigao City, ang stranded na pasahero ay umabot naman sa isang daan at apatnapu’t walo at tatlumpu’t walong rolling cargoes ang naantala sa Lipata Port.
Limampu’t siyam na indibidwal at may 22 rolling cargoes naman sa Surigao City Base Port ang stranded.
Mayroong 84 na stranded na pasahero din sa pantalan ng Nasipit, Agusan del Norte na kinabibilangan ng 10 senior citizens, 10 minors at 94 na adults.
Namigay naman ng pagkain ang port management office sa mga nastranded na pasahero.
Bagaman lifted na ang ipinapatupad na “no sail” policy ng Nasipit Port, may 1,187 na mga pasaherong stranded na nasa loob pa ng barko na hinihintay pa rin ang nakatalagang schedule ng paglalayag.
Dahilan ng pagtaas ng tropical cyclone warning signal number 1 na nagdulot ng malakas na pag ulan kung saan ay binaha ang ilang parte ng rehiyon, nagsuspinde na rin ng klase ang mga lokal na pamahalaan ng Caraga region mula preschool hanggang senior high school sa pampubliko at pampribadong paaralan.
Samantala, napag-alaman din na ang ilang munisipyo sa Surigao del Sur ay nakakaranas ng power interruption at naibalik naman kahapon ng hapon ang power supply sa lugar ng Lianga hanggang Cortes.
May mga kinansila ding round trip flights ng cebu pacific airlines patungong siargao galing Maynila.
Wala pa namang naiulat na impassable roads sa buong rehiyon ngayon.
Tumama sa kalupaan ng Siargao ang naturang kauna-unahang bagyo sa taong ito bandang 8:00 ng gabi sa Siargao Island, Surigao del Norte noong Linggo, Enero 20, 2019.
“Patuloy ang pakikipag-ugnayan natin sa mga lokal na DRRMC at response clusters para sa updates at upang matugunan ang ano pamang tulong na kinakailangan ng publiko. Siniguro natin ang kahandaan at inaasahan pa rin natin ang kooperasyon at pang-unawa sa ginagawang proactive measures para sa kaligtasan ng bawat isa,” sabi ni Mazo. (VLG/PIA-Surigao del Norte)